Sinasabi sa Bibliya na ang demonyo (o si Satanas) na nagpakita bilang isang ahas ang nag-udyok kina Adan at Eba upang magkasala na siyang nagdala sa kanilang pagbagsak. Ngunit nagbibigay ito ng isang importanteng katanungan: Bakit nga ba nilikha ng Diyos ang ‘masamang’ demonyo (na nangangahulugang ‘kalaban’) upang ma-corrupt ang Kaniyang mga mabubuting likha?
Lusiper — Ang Nagniningning
Sinasabi sa Bibliya na nilikha ng Diyos ang isang makapangyarihan, matalino, at magandang espiritu na siyang puno ng lahat ng mga anghel. Tinawag siyang Lusiper (na nangangahulugang ‘Ang Nagniningning’)—at siya ay lubos na magaling. Ngunit si Lusiper din ay mayroong kagustuhan na siya ay pwedeng maging malaya sa pagpili. Mayroong sipi sa Isaias 14 na nagtatala ng mga pagpili na kaniyang ginawa:
“Ano’t nahulog ka mula sa langit, O Tala sa Umaga, anak ng Umaga! Paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpabagsak sa mga bansa! Sinabi mo sa iyong puso, ‘Ako’y aakyat sa langit; sa itaas ng mga bituin ng Diyos akin itatatag ang aking trono sa itaas; ako’y uupo sa bundok na pinagtitipunan sa malayong hilaga. Ako’y aakyat sa itaas ng mga kaitaasan ng mga ulap, gagawin ko ang aking sarili na gaya ng Kataas-taasan.’” — Isaias 14:12-14
Kagaya ni Adan, si Lusiper din ay nagdesisyon. Pwede niyang tanggapin na ang Diyos ay ang Diyos o pwede niyang piliin na siya rin ay magiging diyos. Sa paulit-ulit niyang sinabing, “Gagawin ko”, nagpapakita ito na siya ay nagdesisyong suwayin ang Diyos at ideklara ang sarili niya bilang ang ‘Kataas-taasan’. Mayroong sipi sa Ezekiel na nagbibigay ng parallel na tala ng pagbagsak ni Lusiper:
“Ikaw ay nasa Eden na halamanan ng Diyos; bawat mahahalagang bato ay iyong kasuotan, ang sardio, topacio, diamante, berilo, onix, jaspe, zafiro, karbungko, at esmeralda; at ang ginto at ang pagkayari ng iyong pandereta ng iyong mga plauta ay nasa iyo; sa araw na ikaw ay lalangin inihanda ang mga ito. Inilagay kita na may pinahirang kerubin na nagbabantay; ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Diyos; ikaw ay naglalakad sa gitna ng mga batong apoy. Ikaw ay sakdal sa iyong mga landas mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kasamaan ay matagpuan sa iyo.
Dahil sa karamihan ng iyong kalakal ay napuno ka ng karahasan, at ikaw ay nagkasala; kaya’t inihagis kita bilang maruming bagay mula sa bundok ng Diyos, at winasak kita, O tumakip na kerubin mula sa gitna ng mga batong apoy. Ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kagandahan; iyong pinasama ang iyong karunungan dahil sa iyong kaningningan. Inihagis kita sa lupa; aking inilantad ka sa harapan ng mga hari, upang pagsawaan ka ng kanilang mga mata.” – Ezekiel 28:13-17
Ang kagandahan, katalinuhan, at kapangyarihan ni Lusiper—ang lahat ng mabubuting bagay na siyang nilikha sa kaniya ng Diyos—ay naghatid sa kaniya sa kapalaluan. Ang kaniyang kapalaluan ay naghatid sa kaniyang rebelyon, ngunit hindi naman nawala ang kaniyang kapangyarihan at kakayanan. Ngayon, siya na ay nangunguna sa isang kosmikong pag-aalsa sa pagitan ng kaniyang Manlilikha upang makita kung sino ang ang magiging Diyos. Ang kaniyang estratehiya ay mag-enlist ng sangkatauhan upang samahan siya—sa pamamagitan ng pagtutukso sa kanila upang gawin ang mga kagustuhan na siya niya ring ginawa—mahalin ang kanilang mga sarili, maging malaya mula sa Diyos, at suwayin Siya. Ang puso ng pagsubok ng kagustuhan ni Adan ay pareho ng kay Lusiper; sa presentasyon lamang sila nagkakaiba. Pareho nilang piniling maging ‘diyos’ sa kanilang mga sarili.
Satanas — Paggalaw sa pamamagitan ng ibang tao
Ang sipi mula sa Isaias ay dumidirekta sa ‘Hari ng Babilonia’ at ang sipi mula sa Ezekiel ay nakadirekta sa ‘Hari ng Tyre’. Ngunit mula sa paglalarawan na ibinigay, malinaw na walang ibang tao na nakadirekta rito. Ang “Gaagawin ko” na nakasulat sa Isaias ay naglalarawan ng isang nilalang na siyang itinapon sa mundo upang parusahan dahil sa kagustuhan nitong ilagay ang trono niya nang mas mataas pa sa trono ng Diyos. Sa Ezekiel naman ay tinutukoy ang isang ‘malaanghel na tagapagtanggol’ na siyang inalis mula sa Eden at sa ‘bundok ng Diyos’. Si Satanas (o Lusiper) ay kadalasang inilalagay ang kaniyang sarili sa likod o bilang ibang tao. Sa Genesis, nagsalita siya sa pamamagitan ng isang ahas. Sa Isaias, namuno siya sa pamamagitan ng Hari ng Babilonia, at sa Ezekiel naman, inangkin niya ang Hari ng Tyre.
Bakit nag-alsa si Lusiper laban sa Diyos?
Ngunit bakit nga ba gustong i-challenge ni Lusiper ang all-powerful at ang all-knowing na May Likha? Parte ng pagiging ‘matalino’ ay ang pag-alam kung kaya mo nga bang talunin ang iyong kalaban. Oo, mayroon ngang kapangyarihan si Lusiper, ngunit hindi pa rin ito sapat upang labanan ang May Likha. Bakit niya nga ba hahayaang mawala sa kaniya ang lahat para sa isang bagay na hindi naman niya mapapanalunan? Sa tingin ko, ang isang ‘matalinong’ anghel ay mare-recognize ang kaniyang mga limitasyon laban sa Diyos—at kaniyang pipigilan at ititigil ang kaniyang pag-aalsa. Kung kaya’t bakit nga ba niya ito itinuloy? Lubha akong nalito sa katanungang ito sa loob ng maraming taon.
Ngunit akin ding na-realize na mapapaniwalaan lamang ni Lusiper na ang Diyos ay ang kaniyang all-powerful na May Likha sa pamamagitan ng pananampalataya—kagaya na lamang ng lahat sa atin. Isina-suggest ng Bibliya na ang mga anghel ay nilikha noong linggo ng pagkalikha. Halimbawa, sinasabi sa sipi ng Job ang sumusunod:
“At mula sa ipu-ipo’y sumagot ang Panginoon kay Job: ‘Sino ba itong nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salitang walang kaalaman? Bigkisan mo tulad sa lalaki ang iyong baywang, tatanungin kita at ikaw sa akin ay magsasaysay. Nasaan ka nang ilagay ko ang mga pundasyon ng lupa? Sabihin mo, kung mayroon kang pang-unawa. Sinong nagpasiya ng mga sukat niyon—tiyak na alam mo! O sinong nag-unat ng panukat sa ibabaw nito? Sa ano nakabaon ang kanyang mga pundasyon? O sinong naglagay ng batong panulok niyon; nang sama-samang umawit ang mga tala sa umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa?’” — Job 38:1-7
Ating bigyang larawan si Lusiper na nalikha at siyang unti-unting namulat noong linggo ng paglikha, saan man sa uniberso. Ang kaniyang tanging nalalaman ay siya na ngayo’y nag-eexist at siya na rin ay mulat, at mayroong isa pang Likha na nagsasabihin lumikha sa kaniya at sa uniberso. Ngunit paano nga ba malalaman ni Lusiper kung totoo nga ba ito? Siguro ang sinasabing ‘may likha’ na ito ay siya ring lumabas sa existence sa mga bituin bago lumabas si Lusiper sa existence. At dahil ang ‘may likha’ na ito ay dumating ng mas maaga sa eksena, siya ay (siguro) mas malakas at (siguro) mas matalino kaysa sa kaniya—ngunit siguro ay hindi naman. Siguro ay silang dalawa ng ‘may likha’ ay pareho lamang na lumabas sa existence. Kaya lamang tanggapin ni Lusiper ang Salita ng Diyos sa kaniya na nilikha Niya ito na ang Diyos mismo ay walang hanggan at walang katapusan. Ngunit sa kaniyang pagmamataas, mas pinili niyang paniwalaan ang kaniyang pantasya.
Siguro nga ay nagmimistulang far-fetched na paniniwalaan ni Lusiper na parehong sila ng Diyos (at ang iba pang mga anghel) ay ‘lumabas’ na lamang sa existence. Ngunit ito ang parehong basic na ideya sa likod ng mga pinakabagong kaisipan sa modernong kosmolohiya. Mayroong kosmik na pagbabagu-bago ng kawalan, at nang dahil sa pagbabagu-bagong ito, lumitaw ang uniberso—at ito ang esensiya ng mga teorya sa modernong kosmolohiya. Sa panimula, ang lahat—mula kay Lusiper at kina Richard Dawkins at Stephen Hawking, hanggang sa’yo at sa’kin—kailangan nating magdesisyon sa pananampalataya kung ang uniberso nga ba ay self-contained o ito nga ba ang nilikha at sinusustentuhan ng Diyos na May Likha.
Sa madaling salita, ang pagkakita ay hindi paniniwala. Si Lusiper ay makakakita at kakausap sa Diyos. Ngunit kakailanganin pa rin niyang tanggapin ‘sa pananampalataya’ na ang Diyos ay ang lumikha sa kaniya. Maraming tao ang nagsasabi na kung ang Diyos lamang ay ‘magpapakita’ sa kanila, sila ay maniniwala. Ngunit sa Bibliya, maraming tao ang nakakita at nakarinig sa Diyos—ngunit hindi pa rin Siya pinaniwalaan. Ang isyu ay kung sila ay tatanggap at magtitiwala sa Kaniyang Salita tungkol sa Kaniya at sa kanila. Mula kina Adan at Eba, hanggang kina Cain at Abel, hanggang kay Noah, hanggang sa mga tiga Ehipto at ang unang Paskuwa, hanggang sa pagtawid ng mga Israelita sa Red Sea—hanggang sa mga tao na nakakita ng mga mirakulo ni Hesus—ang ‘pagkakita’ ay hindi nagreresulta sa pagtitiwala. Ang pagbagsak ni Lusiper ay consistent dito.
Ano ang ginagawa ng Demonyo ngayon?
Sinasabi sa Bibliya na hindi nilikha ng Diyos ang ‘masamang demonyo’, ngunit nilikha niya ang isang makapangyarihan at matalinong malaanghel sa nilalang. Sa pamamagitan ng pagmamataas, pinangunahan niya ang pag-aalsa laban sa Diyos—at dahil dito, siya ay naging corrupted habang itinatago pa rin niya ang kaniyang orihinal na kaluwalhatian. Ikaw, ako, at ang sangkatauhan ay naging parte ng battleground sa paligsahang ito sa pagitan ng Diyos at ng kaniyang ‘kalaban’ (demonyo). Ang istratehiya ng demonyo ay hindi maglibut-libot gamit ang sinister na balabal na itim kagaya ng mga ‘Black Riders’ mula sa Lord of the Rings at magbigay ng mga masasamang sumpa sa’tin. Sa halip, mas pinipili niyang linlangin tayo mula sa pagtubos sa’tin na ipinangako ng Diyos mula pa sa simula ng panahon, mula kay Abraham, mula kay Moises, at natapos sa kamatayan at sa muling pagkabuhay ni Hesus. Kagaya na lamang ng sinasabi sa Bibliya:
“At hindi nakapagtataka! Sapagkat maging si Satanas man ay nagpapanggap na anghel ng liwanag. Kaya’t hindi nakapagtataka na ang kanyang mga ministro naman ay magpanggap na mga ministro ng katuwiran. Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.” — 1 Corinto 11:14-15
Sa kadahilanang kaya ni Satanas at ng kaniyang mga alagad na magtago bilang ‘liwanag’, tayo ay mas madali nang malilinlang. Marahil ito ang dahilan kung bakit ang Ebanghelyo ay lagi na lamang parang tumatakbo papalayo sa ating instincts at laban sa lahat ng kultura.