Ang novel coronavirus o COVID-19 ay sumulpot mula sa China noong katapusan ng 2019. Matapos lamang ang ilang buwan, ang virus na ito ay sumasalanta na sa buong mundo. Mayroon nang 5,000,000 tao na nakakuha ng impeksiyon at mayroon nang 280,000 tao na namatay dahil dito, at patuloy pang kumakalat ang virus na ito sa iba’t iba pang mga bansa.
Ang malakidlat sa bilis na pagkalat ng COVID-19 ay siya ngang lumikha ng takot sa buong mundo. Hindi alam ng mga tao kung ano nga ba ang dapat nilang gawin dahil sa patuloy na paglaganap ng nakahahawang sakit na ito sa buong mundo. Ngunit sabi nga ng mga medical professionals, ang tagumpay sa pag-contain sa COVID-19 ay nakasalalay sa isang strategy lamang: social distancing o kuwarentina. Dahil dito, nag-set up ng lockdown at isolation rules ang mga awtoridad sa iba’t ibang bansa. Sa karamihan sa mga lugar, hindi maaaring mag-meet ang mga tao na nasa malalaking mga grupo, kinakailangan ding may distansiya na dalawang metro mula sa isa’t isa—at kung ikaw ay nakipaghalubilo sa isang tao na nag-positve sa coronavirus ay kinakailangan mong mag-isolate at hindi ka pwedeng makipaghalubilo sa iba.
Sabay-sabay na naghahanap ng bakuna ang mga medical researchers ngayon. Ang strategy ay kapag mayroon nang na-develop na bakuna ay mai-inject ito sa iba’t ibang mga tao upang ang kanilang mga katawan ay mag-develop ng resistance sa coronavirus.
Ang mga extreme na patakaran na mag-isolate, magkuwarentina, at mag-develop ng bakuna para sa coronavirus ay nagbibigay ng isang living illustration ng isa pang patakaran upang manggamot ng isa pang virus: isang pang-espirituwal. Ang patakarang ito ay nasa puso ng misyon ni Hesus at ng kaniyang Ebanghelyo sa Kaharian ng Langit. Kung ang coronavirus nga ay isang napakalaking concern kung kaya’t ang iba’t ibang lipunan sa buong mundo ay dumadaan sa mahigpit na steps upang maunawaan ang sakit na ito at upang maprotektahan ang kani-kanilang mga mamamayan. Kung gayon importante rin na maunawaan natin ang espirituwal na counterpart nito, upang tayo ay hindi mahuli ng walang kamalayan sa threat na ito. Ang pandemyang COVID-19 ay makakapagturo sa atin upang ating maunawaan ang ebanghelyo sa pamamagitan ng kasalanan, langit, impiyerno, at ang misyon ni Hesus.
Una, ang nakahahawang sakit…
Isang Nakamamatay at Nakahahawang Impeksyon
Kagaya ng COVID-19 na isang paksang hindi kanais-nais ngunit ito rin ay isang paksang hindi natin maiiwasan, ang Bibliya rin ay nagpapahayag ng maraming paksang tumutukoy sa kasalanan at sa resulta ng mga kasalanang ito—ang mga ito rin ay mga paksang iniiwasan natin kung maaari. Ang imahen na ginagamit ng Bibliya upang i-describe ang kasalanan ay isang nakahahawang sakit na lumaganap na sa sanlibutan, at unti-unting pumapatay sa sangkatauhan.
“Kaya’t kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan, kaya’t dumating sa lahat ng mga tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12)
“Kaming lahat ay naging gaya ng isang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang maruming kasuotan. Kaming lahat ay nalalantang gaya ng dahon, at tinatangay kami ng aming mga kasamaan na parang hangin.” (Isaias 64:6)
Si Moises at ang Ahas na Tanso
Isang istorya na nagkokonekta sa sakit at kamatayan, na siyang ni-link ni Hesus sa kaniyang misyon, ay ang istorya ng pamumutiktik ng mga ahas sa isang kampo ng mga Israelita noong panahon ni Moises. Kinailangan nila ng lunas bago sila lamunin ng kamatayan.
“Sila’y naglakbay mula sa bundok ng Hor patungo sa Dagat na Pula upang umikot sa lupain ng Edom; at ang damdamin ng mga tao ay nainip sa daan. Ang bayan ay nagsalita laban sa Diyos at laban kay Moises, ‘Bakit ninyo kami iniahon mula sa Ehipto, upang mamatay sa ilang? Sapagkat walang pagkain at walang tubig at ang kaluluwa namin ay nasusuya na sa walang kuwentang pagkaing ito.’ Pagkatapos, ang Panginoon ay nagsugo ng mga makamandag na ahas sa mga taong-bayan, at tinuklaw ng mga ito ang mga tao, kaya’t marami sa Israel ang namatay. Ang bayan ay pumunta kay Moises at nagsabi, ‘Kami ay nagkasala, sapagkat kami ay nagsalita laban sa Panginoon at laban sa iyo. Idalangin mo sa Panginoon, na kanyang alisin sa amin ang mga ahas.’ At idinalangin ni Moises ang bayan. At sinabi ng Panginoon kay Moises, ‘Gumawa ka ng isang makamandag na ahas at ipatong mo sa isang tikin, at bawat taong nakagat ay mabubuhay kapag tumingin doon.’ Kaya’t si Moises ay gumawa ng isang ahas na tanso at ipinatong sa isang tikin, at kapag may nakagat ng ahas, at tumingin ang taong iyon sa ahas na tanso ay nabubuhay. (Mga Bilang 21:4-9)
Sa buong Lumang Tipan, nagiging marumi ang isang tao sa pamamagitan ng nakahahawang sakit, sa paghawak ng patay, o nang dahil sa kasalanan. Ang tatlong ito ay maiuugnay sa isa’t isa. Maisusuma ng Bagong Tipan ang sitwasyon natin kagaya na lamang nito:
“Kayo noo’y mga patay sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan, na dati ninyong nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.” (Efeso 2:1-2)
Ang kamatayan sa Bibliya ay nangangahulugan ng ‘paghihiwalay’ at napapaloob dito ang parehong pisikal (humihiwalay ang kaluluwa sa katawan) at espirituwal (ang kaluluwa ay humihiwalay sa Diyos) na kamatayan. Kagaya na lamang ng isang virus na nasa loob natin, nagiging sanhi ng agarang espirituwal na kamatayan ang kasalanan, at ito rin ay kalaunang humahantong sa pisikal na kamatayan.
Bagama’t mas gugustuhin nating hindi pag-isipan ang mga bagay na ito, tinatrato ng Bibliya ang kasalanan na tunay kagaya na lamang kung paano natin itrato ang COVID-19. Gayon pa man, ang Bibliya rin ay nagtuturo kung ano nga ba ang bakuna para rito.
Ang Bakuna: Sa Pamamagitan ng Kamatayan ng Binhi
Sa simula pa man, nag-develop na ang Bibliya ng tema ng paparating na binhi. Ang binhi ay isang mahalagang pakete ng DNA na kayang mag-unfurl at mag-develop patungo sa isang bagong buhay. Ang DNA sa isang binhi ay specific na impormasyon kung saan ang mga malalaking molecules ng mga specific na hugis (proteins) ay gawa. Sa kasong ito, maihahalintulad natin ito sa isang bakuna, na siyang mga malalaking molecules (antigens) ng mga specific na hugis. Sa simula pa lamang, ang paparating na binhi ay nangangakong mareresolba ang mga problema ng kasalanan at kamatayan.
“Maglalagay ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa’t isa, at sa iyong binhi at sa kanyang binhi. Ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.” (Genesis 3:15)
Maaaring magtungo rito para sa detalye ng kababaihan at ng kanilang mga binhi. Ang binhi ay maipapangako na magmumula kay Abraham at magpapatuloy sa lahat ng bansa.
“At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa, sapagkat sinunod mo ang aking tinig.” (Genesis 22:18)
Sa mga kasong ito, ang binhi ay singular. Ang paparating na binhi ay ‘siya’, hindi ‘nila’ at hindi rin ‘ito’.
Sa Ebanghelyo, mabubunyag na si Hesus ang ipinangakong binhi—ngunit may twist dito—kinakailangang mamatay ng binhi.
“Sinagot sila ni Jesus, ‘Dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito’y mamatay, ay nagbubunga ng marami.’” (Juan 12:23-24)
Ang kaniyang kamatayan ay alang-alang sa ating lahat.
“Kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.” (Mga Hebreo 2:9)
Sa ibang mga uri ng bakuna, ang virus ay pinapatay at siya nilang ini-inject sa ating mga katawan upang ang ating mga katawan ay makakapag-produce ng mga kinakailangang antibodies. Sa pamamagitan nito, madedepensahan ng ating mga immune system ang katawan natin mula sa virus. Sa parehong paraan, ang kamatayan ni Hesus ay nagiging sanhi upang manirahan sa ating kalooban ang binhi upang tayo’y makapag-develop ng immune defence laban sa espirituwal na virus—ang kasalanan.
“Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala, sapagkat ang kanyang binhi ay nananatili sa kanya at hindi siya maaaring magkasala, sapagkat siya’y ipinanganak ng Diyos.” (1 Juan 3:9)
Ngunit dahil wala pang natutuklasang sapat na bakuna, ang tangi nating opsyon (kagaya na lamang ng COVID-19 dahil wala pang nade-develop na bakuna) ay kuwarentina. Ito rin ay totoo sa espirituwal na kaharian. Ang kuwarentinang ito ay mas kilala bilang ang Impiyerno.
Ngunit bakit nga ba?
Kuwanrentina: Separasyon ng Langit at Lupa
Nagturo si Hesus patungkol sa pagdating ng ‘Kaharian ng Langit’. Sa tuwing naiisip natin ang ‘langit’, kadalasan ay naiisip natin ang sitwasyon o ang pumapaligid dito—ang ‘mga kalyeng ginto’. Ngunit ang pinakahigit na pag-asa para sa kaharian ay ang magkaroon ng lipunan na mayroong mga mamamayan na may tapat at hindi makasariling mga karakter. Pansinin natin kung paano tayo namumuhay sa mga ‘kaharian’ ng lupa upang maprotektahan natin ang ating mga sarili laban sa isa’t isa. Tayong lahat ay mayroong mga lock sa ating mga bahay, ang iba pa ay mayroong mga napaka-advanced na security systems. Nila-lock din natin ang ating mga kotse, at pinaalalahanan natin ang mga bata na huwag makipag-usap sa mga taong hindi nila kilala. Lahat ng lungsod ay mayroong mga kapulisan, at maingat nating pinoprotektahan ang ating mga online data. Kapag naisip natin na ang lahat ng mga sistema, mga kagawian, at mga pamamaraan na ating inilaan sa ‘kaharian ng ating mundo’ ay naririto lamang upang protektahan tayo, mare-realize natin na dahil dito, maaari rin nating makita ang kislap ng problema ng kasalanan sa kalangitan.
Kung magtatayo ang Diyos ng kaharian ng ‘langit’ at siya niya tayong aanyayahan na maging mga mamayan nito, agad-agad natin itong gagawin na impiyerno kagaya na lamang kung paano natin pinabayaan ang mundong ito. Ang mga ginto sa kalye ay unti-unting mawawala. Ang kasalanan sa ating katawan ay kinakailangang alisin, kagaya na lamang kung paano natin kinakailangang alisin ang COVID-19 upang maging healthy ang ating lipunan. Wala ni isang tao na ‘naka-miss’ (sa kahulugan ng kasalanan) sa perpektong standard na ito ang makakapasok sa kaharian—dahil kung meron man, mawawasak ang ating kaharian. Kung kaya’t kinakailangan nating sumailalim sa kuwarentina.
Ngunit ano nga ba ang mangyayari sa mga nakuwarentina at hindi hinayaang makapasok? Sa ating mundo, kung ikaw ay hindi hinayaang makapasok sa isang bansa, hindi ka pwedeng mag-participate sa mga resources at benefits (makatanggap ng welfare, medical treatment, etc.) ng bansang iyon. Ngunit sa lahat lahat, ang mga tao sa buong mundo; kahit na ang mga terorista na silang mga tumatakbo mula sa iba’t ibang mga bansa, ay nag-eenjoy ng parehong mga basic amenities ng kalikasan: kagaya na lamang ng paglanghap ng hangin, at pagtingin sa liwanag.
Ngunit sino nga ba ang lumikha sa liwanag? Sinasabi sa Bibliya:
“At sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon ng liwanag.” (Genesis 1:3)
Kung totoo man ito, kung gayon ay ang lahat ng liwanag ay pag-aari Niya—at hinihiram lamang natin ito ngayon. Ngunit sa huling pagtatatag ng Kaharian ng Langit, ang liwanag ay magiging Kaharian Niya. Kung kaya’t ang ‘labas’ ang magiging ‘kadiliman’—kagaya na lamang kung paano ito inilarawan ni Hesus sa parabulang ito:
“Kaya’t sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas. Doon ay ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.’” (Mateo 22:13)
Kung totoo man na mayroon ngang Lumikha, ang karamihan sa mga bagay na ating pinagsasawalang bahala at ang mga bagay na inaakala natin na ‘sa atin’ ay talaga ngang sa Kaniya. Nagsisimula ito sa pinaka-basic na entity kagaya na lamang ng ‘liwanag’, ang mundo na pumapaligid sa atin, at ang ating mga natural na abilidad kagaya na lamang ng ating pag-iisip o pagsasalita—wala naman talaga tayong ginawa upang malikha ang mga abilidad na ito—nagamit na lamang natin ang mga ito ng basta. Kapag na-finalize na ang Kaharian, muling babawiin ng May-ari ang mga ito.
Noong lumaganap ang COVID-19 at naging banta ito sa ating buhay at nang ito ay naghasik ng kaguluhan sa ating lahat, wala tayong naging argumento nang iginiit ng mga eksperto na tayo ay dapat sumailalim sa kuwarentina. Kung kaya’t hindi na rin ito sorpresa na marinig na itinuro ni Hesus ang kuwentong ito sa kaniyang parabula na pumapatungkol sa isang taong mayaman at si Lazarus:
“Bukod dito, may isang malaking banging inilagay sa pagitan natin, upang ang mga nagnanais tumawid buhat dito patungo sa inyo ay hindi maaari at wala ring makatatawid mula riyan patungo sa amin.” (Lucas 16:26)
Pagkuha ng Bakuna: Ang Eksplanasyon ni Hesus para sa Ahas na Tanso
Minsan nang naipaliwanag ni Hesus ang kaniyang misyon gamit ang istorya ni Moises at ng mga makamandag na ahas. Isipin natin kung ano nga ba ang maaaring mangyari sa mga tao na nakagat ng mga ahas na ito.
Kapag nakagat ng ahas ang isang tao, ang venom na pumapasok sa katawan ay tinatawag na antigen, maihahalintulad ito sa isang virus infection. Sa normal na panggagamot, kinakailangang sipsipin palabas ang venom at itali ng mabuti at mahigpit ang nakagat na parte upang ang dugo ay hindi mag-flow at upang ang venom ay hindi na kumalat sa iba pang bahagi ng katawan. Kinakailangan din na huwag masyadong gumalaw ng taong nakagat upang bumaba ang heart rate at hindi nito agad-agad i-pump ang venom sa buong katawan.
Noong naimpeksyon ng ahas ang mga Israelita, sinabi sa kanila na kinakailangan nilang tumingin sa ahas na tanso na nakalagay sa tikin upang sila ay gumaling. Siguro nga ay navi-visualize mo ang isang taong nakagat na siyang tumayo mula sa kaniyang kama upang tignan ang kalapit na ahas na tanso at biglang gumaling. Ngunit mayroong 3,000,000 na tao sa kampo ng mga Israelita (nabilang nila ang mahigit sa 600,000 na lalaki na pumapailalim sa military age)—ang bilang na ito ay kasing laki ng isang modernong lungsod. Malaki ang chances na ang mga nakagat ay ilang kilometro ang layo, at hindi rin nila abot tanaw ang tikin ng ahas na tanso. Kung kaya’t ang mga taong nakagat ay kinakailangang magdesisyon. Pwede silang sumunod sa standard na pangangalaga na nagsasabing kailangan itali ng mahigpit ang sugat at magpahinga upang ma-restrict ang pag-flow ng dugo at upang hindi kumalat ang venom. O pwede rin naman nilang pagkatiwalaan ang lunas na sinabi ni Moises at maglakad ng ilang kilometro, na siyang pwede magpataas ng pag-flow ng dugo at ikalat ang venom sa katawan, upang matignan ang ahas na tanso na nakalagay sa tikin. Ang magdedetermina sa aksyon ng mga tao ay ang tiwala o ang kawalan ng tiwala nila sa salita ni Moises.
“Tinutukoy ito ni Hesus nang sinabi niya ang sumusunod: Kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, kailangan din namang itaas ang Anak ng Tao; upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:14-15)
Sinasabi ni Hesus na ang ating sitwasyon ay kagaya na lamang ng istoryang iyon. Ang mga ahas na siyang namumugad sa kampo ay maihahalintulad sa kasalanan na nasa loob natin at sa kasalanan na nasa lipunan natin ngayon. Tayo ay naimpeksyon gamit ang venom ng kasalanan at ito ay magreresulta sa ating kamatayan—isang eternal na kamatayan na magre-require sa atin na magkuwarentina mula sa Kaharian ng Langit. Naikonekta rin niya na maihahalintulad ang pagkakataas niya sa krus at ang pagkakataas ng ahas na tanso sa tikin. Kagaya na lamang kung paano napapagaling ng ahas na tanso ang mga Israelita mula sa nakamamatay na venom, kaya rin niya tayong pagalingin. Kinakailangang tumingin ng mga Israelita sa nakataas na ahas. Ngunit para magawa ito, kinakailangan nilang magtiwala sa solusyong ibinigay ni Moises at maging counter-intuitive upang hindi mapabagal ang kani-kanilang mga heart rate. Ang nagligtas sa kanila ay ang kanilang tiwala sa ibinigay ng Diyos sa kanila. Pareho ito sa atin ngayon. Hindi man natin makikita ng pisikal ang krus, pero mayroon tayong tiwala na ang ibinigay ng Diyos ay maililigtas tayo mula sa impeksyon ng kasalanan at kamatayan.
“Ngunit sa kanya na hindi gumagawa, kundi sumasampalataya sa kanya na umaaring-ganap sa masamang tao, ang kanyang pananampalataya ay itinuturing na katuwiran.” (Roma 4:5)
Hindi natin maaaring pagkatiwalaan ang ating sariling abilidad upang labanan ang impeksyon, ngunit mapagkakatiwalaan natin ang Diyos na siyang lumikha ng bakuna sa pamamagitan ng Binhi. Pinagkakatiwalaan natin siya ukol sa detalye ng bakuna. Ito ang dahilan kung bakit nangangahulugan na ‘magandang balita’ ang ‘Ebanghelyo’. Sino man na naimpeksyon ng nakamamatay na sakit at siyang nakarinig na may available at libreng bakuna—ito ay talaga ngang isang magandang balita.
Halika at Tignan
Syempre, kailangan natin ng rason upang pagkatiwalaan ang parehong diagnosis at bakuna. Hindi natin dapat basta-basta na lamang ibigay ang ating tiwala. Sinasabi ito sa isa sa pinakamatandang diskusyon na pumapatungkol sa temang ito ang sumusunod:
“Natagpuan ni Felipe si Nathanael, at sinabi sa kanya, ‘Natagpuan namin iyong isinulat ni Moises sa Kautusan, at gayundin ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose.’ Sinabi sa kanya ni Nathanael, ‘Mayroon bang mabuting bagay na maaaring manggaling sa Nazaret?’ Sinabi sa kanya ni Felipe, ‘Halika at tingnan mo.’” (Juan 1:45-46)
Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo upang makita, at maeksamina ang Binhi. Marami ritong mga artikulo na tutulong sa atin para sa mga katanungan na mayroon tayo, kagaya ng muling pagkabuhay, ang reliability ng Bibliya, at ang pangkalahatang buod ng Ebanghelyo. Halika at tignan natin kagaya na lamang ng ginawa ni Nathanael noong sinaunang panahon.